Seth Fedelin ayaw maikumpara kay Daniel Padilla

TODO-DENY si Seth Fedelin na ginagaya niya si Daniel Padilla.

Sa panayam ni Ogie Diaz, sinabi ni Seth na naapektuhan siya kapag sinasabi na sadya niyang tinutularan ang kilos, itsura at pananamit ni Daniel.

“Alam ko sa sarili ko na hindi ko ginagaya…
Kapag napapanood n’yo po si Kuya DJ at tumayo siya sa harapan n’yo, napaka-manly niya po tingnan at ako po ay hindi po ako ganun. Kapag tumayo po ako sa harapan niyo, mukha akong totoy. Kapag nagsalita ako, kapag nakipagkulitan ako sa inyo ay mukha akong totoy, mukha lang akong lumaki sa kanal. Pero ang dami nilang sinasabi,” aniya.

Dagdag niya, nagagalit siya tuwing ikinumpara siya kay Daniel.

“Kasi ang dami nilang sinasabi. Kasalanan ko po ba na nakikita n’yo po sa akin? Siguro po, hindi ko po kasalanan, hindi ba po? Kaya minsan kapag may nagsasabi sa akin na ‘para kang si ano’ minsan napapaisip ka na good ba ito o bad?” paliwanag ni Seth.

Pero, dagdag niya, kung mayroon man siyang gustong gayahin kay Daniel ay ang kasikatan nito.

“Yung blockbuster sa sinehan, ‘yung movie nila na ‘The Hows of Us,’ siguro gusto ko maging ganun. Gusto ko makagawa rin ng ganun. ‘Yun lang po ang gagayahin ko. Kasi hindi naman natin maitatanggi na si Kuya DJ ay iba po siya, napakalayo niya sa akin. Siguro 10 kaban pa ng bigas, siguro nga 20 pa o 100 pa nga. Alam ko po ‘yon sa sarili ko,” pahayag pa ng young actor.