Sa gitna ng #ByeShopee at #BoycottShopee, Toni feeling ‘grateful, blessed’

UNBOTHERED ang actress-host na si Toni Gonzaga sa mga kabi-kabilang pagde-delete ng Shopee accounts ng maraming Pinoy makaraang ianunsyo na siya ang pinakabagong brand ambassador ng e-commerce company.

Sa media launch ngayong Huwebes, pinasalamatan ni Toni ang mga netizens na nagpa-trending sa Shopee.

“Since yesterday we are trending, today we are grateful for our netizens for the mentions and engagements, they are the reasons why we are here today,” aniya.

Simula kahapon ay trending topic sa Twitter ang mga hashtags na #BoycottShopee and #ByeShopee makaraang lumabas ang mga promo videos ng bagong brand ambassador ng kumpanya.

Maraming netizens din ang nagpahayag ng pagkadismaya sa kumpanya at binura ang app nito sa kanilang mga cellphone.

Ayon kay Toni, lubos ang saya ng kanilang pamilya nang kunin siya ng kumpanya dahil matagal na silang gumagamit nito.

Aniya, abala siya sa pamimili para sa birthday ng anak na si Seve gamit ang Shopee app.