Ruffa ‘itinago’ tweets sa publiko; ayaw na ng gulo?

TANGING mga piling followers na lamang ni Ruffa Gutierrez ang makakakita ng kanyang mga tweets makaraan niyang gawing private ang kanyang account.

Ginawa ito ng actress-beauty queen matapos niyang sabihin na dededmahin na niya ang mga taong naninira sa kanya.

Sa kanyang huling tweet na nabasa ng publiko, sinabi ni Ruffa na, “Piliin mo pa rin ang ngitian sila sa kabila ng paninira nila. 3 million hugs to all of you. Let’s practice the art of deadma.”

Wala namang sinabi si Ruffa na hindi na niya sasagutin ang mga susunod na paratang ni Rep. Rowena Guanzon, na ilang araw niyang nakabakbakan sa Twitter.

Nitong Miyerkules ay nire-tweet ni Guanzon ang post ng isang follower ukol sa notoryus na 1994 Metro Manila Film Festival scandal kung saan nakaladkad ang pangalan ng aktres.

Dinedma naman ito ni Ruffa.

Matatandaan na nag-ugat ang isyu nang isiwalat ni Guanzon na pinalayas ang dalawang kasambahay ni Ruffa nang hindi binabayaran ang sahod.

Itinanggi naman ito ng aktres at sinabing kusang umalis ang mga katulong.