‘Rewind’ papalo ng P600M; nalagpasan na movie ni Vice

WINASAK ng “Rewind,” ang pelikula ng mag-asawang Marian Rivera at Dingdong Dantes ang rekord na naitala ng “The Revengers Squad” bilang highest grossing Metro Manila Film Festival movie of all time.

Ayon sa Star Cinema, malapit nang umakyat sa P600 milyon ang kinita ng “Rewind,” mas malaki ng P60 milyon kumpara sa 2017 movie ni Unkabogable Star Vice Ganda.

Dagdag ng film arm ng ABS-CBN, ang “Rewind” din ang highest-grossing Pinoy film mula nang magkaroon ng pandemya.

Ang nasabing rekord ay dating hawak ng “Maid In Malacañang” na kumita ng P440 milyon. Bagaman hindi opisyal, sinabi ng production company na sa kasalukuyan ay nasa ikatlong puwesto ang “Rewind” sa listahan ng highest grossing Filipino films of all time. Nasa una at ikalawang puwesto ang dalawa pang Star Cinema-produced movies na “The Hows of Us (700 million) at Hello, Love, Goodbye” (P690 million.)

Matatandaang inanunsyo ng Metro Manila Development Authority, na siyang namamahala sa MMFF, na umabot sa P1 bilyon ang kinita ng 10 pelikulang kalahok sa festival.