Ogie dinedma ni Ricci Rivero

KINUMPIRMA ng talent manager-vlogger na si Ogie Diaz na “cold” si Ricci Rivero nang kapanayamin niya ito kamakailan.

Ani Ogie, naganap ang tila pandededma sa kanya ng basketball player nang dumalo ang huli kasama ang girlfriend na si Andrea Brillantes sa birthday party ni Ruru Madrid.

Nilapitan ni Ogie sina Ricci at Andrea saka tinanong kung gaano na sila katagal.

“Actually kaka-eight months lang namin kahapon. Monthsary namin. Nagtagal kami kasi mabait e, mabait naman siya,” ani Andrea.

Habang nagsasalita ang aktres ay malayo umano ang tingin ni Ricci at hindi sumasagot sa panayam.

“Happy eight months sa inyo! Kahit very cold sa’kin that night si Ricci. Parang wala siyang ganang kausap pero okay lang,” ani Ogie.

“Baka wala lang sa mood ang lolo mo, hayaan natin siya. May kanya-kanya namang episode ang mga tao,” dagdag ng talent manager.