Matet hindi na kakausapin si Nora kahit kailan

WALA nang planong kausapin pang muli ni Matet De Leon ang ina na si Nora Aunor matapos ang kanilang away ukol sa gourmet tuyo at tinapa.

“Hindi ko na siya kakausapin ulit,” ani Matet sa panayam ni Ogie Diaz. “Kasi parang sa akin, ginawa ko na ang lahat.”

Samantala, inireklamo naman ni Matet kung paano siya hinuhusgahan ng publiko at ang kanyang mga kapatid na sina Lotlot, Ian, Kenneth at Kiko kahit walang alam ang mga ito sa takbo ng relasyon nila sa ina.

“Nagbabayad [pa rin] ako ng utang na loob kasi marami pa kayong hindi alam. Pag lumabas ‘yon, masisira lahat,” sabi niya.

Nilinaw naman ni Matet na kaya siya pumayag na makapanayam ni Ogie ay dahil nais niyang linisin ang kanyang pangalan at hindi para siraan ang ina.

“Makakaasa pa rin naman siya ng respeto galing sa amin at katahimikan sa mga hindi dapat pag-usapan. Kaya lang, sana hindi na maulit ‘yung mga ganitong parang asaran,” paliwanag ng aktres.