Lovi Poe: Di ako third party sa Tom-Carla breakup

TODO-DENY ang kampo ni Lovi Poe na may kinalaman ang aktres sa umano’y hiwalayan nina Tom Rodriguez at Carla Abellana.

Ayon sa manager ni Lovi na si Leo Dominguez, may sariling love life si Lovi kaya wala itong panahon na ma-involve sa relasyon ng iba.

“Kawawa naman si Lovi kung mapagbibintangan siya. Siya naman ngayon ang bagong biktima ng mga mahilig gumawa ng fake news.

“Natatawa na lang noong una si Lovi, pero ngayon na kumakalat na ang fake news na ito at maraming nagtatanong sa kanya kung totoo ba ito, kailangan na namin mag-react para klaruhin ang issue!

“Kaibigan ni Lovi ang mag-asawa. Nakasama na ni Lovi si Carla sa pelikula at tatlong beses na rin nakasama ni Lovi si Tom sa pelikula. Hinding hindi magagawa ni Lovi ang makipagrelasyon sa isang taong may asawa na. Lalong hindi siya manghihimasok sa marriage na kinabibilangan ng mga kaibigan niya. So, gusto lang namin i-clarify na hindi totoo ‘yan. Very fake news, kaya tigilan na!” giit ni Dominguez.

Isang Hollywood producer ang kasalukuyang boyfriend ni Lovi.