Kris may panahon na hirap gumalaw; nasa kuwarto lang’

KUNG paniniwalaan ang chika ni Lolit Solis, mabigat ang nararamdaman na sakit ni Kris Aquino kaya may mga araw na hirap itong gumalaw at parati lang nasa kanyang kuwarto.

Isiniwalat ni Lolit sa kanyang Instagram post na tila mas gustong manatili ni Kris sa bansa dahil alam mismo ng TV host-actress “kung gaano kaseryoso ang kanyang sakit.

“Si Kris Aquino mismo ang may alam kung ano talaga ang nararamdaman niya, kaya ayaw niyang umalis para magpagamot sa ibang bansa. Nanduon siguro iyon takot na baka matagalan bago siya makabalik, o God forbids baka kung ano ang mangyari sa kanya,” aniya.

Idinagdag ni Lolit na lumalaban si Kris kahit sobrang sakit ang nararamdaman nito.

“Si Kris Aquino mismo ang nakakaalam kung gaano kabigat ang sakit niya, at kung paano niya tinitiis ang sakit na nadarama niya. Pati pagsusulat nahihirapan na siyang gawin dahil sa sakit na nararamdaman niya.

“Pero hanga ka sa kanya dahil hindi siya nagsasalita kung gaano katindi ang sakit na tinitiis niya araw araw.

“May mga araw pala na hindi na siya makagalaw at nasa loob na lang siya ng kanyang room. Kinakaya na lang niya ang sakit para hindi mag alala si Bimby na nakabantay sa kanya.

“Kaya siguro takot siya na umalis para magpagamot sa abroad, dahil duon ay malayo siya sa piling ng mga kapatid niya,” sabi ni Lolit.

Hiling niya sa publiko: “Isama natin siya sa atin dasal please…Nakakalungkot ang kalagayan ni Kris Aquino, talagang kailangan niya ang dasal natin, hindi lang para sa kanya kundi para kay Joshua at Bimby.”