Kris inulan ng birthday greetings, prayers

BUMUHOS ang mga pagbati at panalangin sa Queen of All Media na si Kris Aquino na nagdiwang ng kanyang ika-53 kaarawan sa gitna ng pakikipaglaban sa sakit.

Kabilang sa nagpadala ng mensahe kay Kris ang mga kasamahan niya sa showbiz gaya nina Aga Muhlach, Ogie Alcasid, Lorna Tolentino, Darren Espanto, Angeline Quinto, Coney Reyes, Edgar Mortiz, Cheska Kramer, Vina Morales, Almira Muhlach, Arnold Clavio, Jinkee Pacquiao at Angeli Pangilinan.

Ani Darla Sauler, ang isa sa pinakamalalapit na kaibigan ni Kris: “Walang last birthday. More birthdays to come. Nananalig ako ng buo you’ll get better.”

“Happy birthday ganda @krisaquino dito lang kami nagdarasal lagi para sa iyo,” sabi ni Pokwang.

Sa kanyang kaarawan kahapon, February 14, isiniwalat ni Kris sa panayam ni Boy Abunda na maaari siyang magka-stroke sa panibagong gamot na ibibigay sa kanya ng kanyang mga doktor.

Gayunman, iginiit ni Kris na hindi siya susuko.

“No, I refuse to die. Talagang pipilitin ko because my next chapter is to become a stage mother… I’m 53 now but I still want to be here when I’m 63,” sabi pa ng Queen of All Media.