Kat Alano inokray ni Cristy: ‘Nakikisakay ka lang sa isyu ni Vhong’

KINASTIGO ng veteran show biz columnist at host na si Cristy Fermin si Kat Alano, ang dating modelo at video jockey na umano’y ginahasa ni Vhong Navarro ilang taon na ang nakararaan.

Sa kanyang online talk show na Showbiz Now Na, pinuna ni Cristy si Kat at sinabing sampahan nito ng kaso si Vhong kung totoong biktima ito.

“Ang unang-unang pumapasok sa isip ng isang babae na ninanakawan ng dignidad ay ang magsumbong sa mga may kapangyarihan. Dapat ay magre-report ka at ikukwento mo kung ano ang naganap sa’yo. E 19 kopong kopong pa sabi mo na ‘yan,” giit ng kolumnista.

Hirit niya: “Hanggang ngayon e nakikiangkas ka lang sa mga isyu tungkol kay Vhong Navarro?”

Dagdag ni Cristy, huwag ding idaan ni Kat sa blind item ang paratang kay Vhong.

“Kung matapang ang isang babae tungkol sa kanyang ipinaglalaban, magbabanggit siya ng mga pangalan. Kung sino ‘yung dapat managot sa naganap sa kanya. Hindi e, pa-blind item eh ang ginagawa niya,” paliwanag niya.

“At saka napakasakit ‘yung binabato ka ng iba’t ibang uri ng pangalan. Dapat, para matigil ‘yan, diretsuhin mo kung sino ‘yung taong pinatutungkulan mo para hindi ka nalalagay sa alanganin,” payo pa ni Cristy kay Kat.