Herlene Budol sa pagsali sa pageant: Bahay ang dahilan 

IBINAHAGI ni Binibining Pilipinas first runner up Herlene Budol na wala talaga siyang balak sumali sa nasabing pageant pero naniwala sa kanya ang manager na si Wilbert Tolentino kaya lumaban siya.

“Yung unang tao na nag-push sa akin, nakakita ng potential bilang beauty queen ay si Sir Wilbert talaga. Sinabi ko nung una na ayoko, kasi ayoko talaga,” chika niya.

“Parang kabaliktaran kasi siya talaga ng buhay ko. Hindi ako sobrang pa-girl, hindi ako demure, hindi ako proper. Basta hindi ako yun,” kwento pa niya.

Dagdag pa ni Budol na nakilala sa tawag na “Hipon”, inalok siya ni Tolentino na isasali sa beauty pageant at bibilhan siya ng bahay.

“Alam niyo, in-offer-an niya ako, ‘Gagawin ko sa ‘yo yung ginawa ko kay Madam Inutz, pumasok siya ng PBB (Pinoy Big Brother), bibilhan ko siya ng bahay. So, sumali ka ng BBP (Binibining Pilipinas) bibilhan kita ng bahay,’” kwento ni Hipon.

Aniya, naging praktikal lamang sa buhay si Herlene.

“Sino ba namang tanga ang hindi papayag dun? Praktikal na tayo, hindi naman kami mayaman ng pamilya ko. Kung nakikita niyo naman sa mga vlog namin, wala kaming kisame, mainit yung bahay namin, magulo yung bahay namin,” sey ng dating dancer.

“Isa yun sa pangarap ko, na magkaroon kami ng bahay. Kahit anong trabaho ko, kahit sampung taon pa ako magtrabaho, makakabili ako ng bahay pero matagal na panahon.”