Cristy tinalakan ‘It’s Showtime’ fans: ‘Eat Bulaga’ wala nang dapat patunayan

MAY sagot si Cristy Fermin sa mga tagasuporta ng “It’s Showtime” na nagsasabing katapusan na ng “Eat Bulaga” kapag umere na sa GMA-7 ang noontime show ni Vice Ganda.

Sa April 6 magsisimulang mapanood sa Kapuso network ang Kapamilya show kaya lalong lalawak ang audience reach nito. Sa TV5 kasalukuyang napapanood ang “Eat Bulaga.”

Dahil nasa mas malakas na free channel na uli ang “It’s Showtime” ay naniniwala ang mga fans na tuluyan na nitong mapapataob ang longest-running noontime show sa Asia.

Kinontra naman ito ng beteranong showbiz columnist at host.

“Wala nang dapat pang patunayan ang ‘Eat Bulaga’ at ‘Dabarkads.’ Ano pa ba? ‘Di ba? Sila nga ang may hawak ng korona, e,” pagdidiin ni Cristy sa kanyang programa na “Cristy Ferminute.”

Pinuna rin niya ang mga fans ng “It’s Showtime.”

“Alam mo ‘yung hindi masasatsat, ‘yung wala na silang iniisip at wala na kasing dapat pang patunayan. ‘Yun ‘yung mga tahimik lang. Hindi ‘yung kung anu-anong sasabihin, bardagulan dito, personalan dyan. Hindi na po uso ‘yan ngayon. Hindi na talaga,” punto niya.

Pagtatanggol pa niya sa show ng TVJ: “Ang mahalaga, babantayan nila ang kanilang programa, paghuhusayan pa nila lalo para sa ikakatuwa ng ating manonood. ‘Yon naman talaga dapat, ‘di ba?”