American singer/songwriter Keith Martin namatay sa heart attack

WALANG foul play sa pagkamatay ng American singer, songwriter na si Keith Martin na natagpuang patay sa loob ng kanyang condominium unit sa Quezon City kamakailan.

Sa report ni Quezon City Police District director, Brig. General Remus Medina, base umano sa death certificate ng singer na nagpasikat ng kantang “Because of You”, “Acute Myocardial Infarction” ang naging dahilan sa pagkamatay nito.

Natagpuan ang bangkay ng singer alas-10:46 ng umaga noong Marso 25, 2022, matapos i-report ng mga nakatira sa Lafayette Condominium sa barangay Bagumbayan na may masangsang na amoy sa lugar. Kaagad itong ipinagbigay-alam sa manager ng nasabing condominium na si Christine Lleno.

Kinatok ni Lleno ang pintuan ni Keith subalit hindi ito tumugon kaya’t nagpasya na silang buksan ang nasabing Unit at tumambad sa kanila ang nakahandusay at wala ng buhay niyang katawan.

Batay sa Death Certificate, Atherosclerotic Coronary Artery Disease o Bara sa Ugat ng Puso na naging sanhi ng Acute Myocardial Infarction o Atake sa Puso ang naging dahilan ng kanyang pagkamatay.