Aktres biktima ng Taylor Swift concert ticket scam

ISA si Kapuso actress Sofia Pablo sa humigit-kumulang 100 katao na nabiktima ng mga scammer na nagbebenta ng tiket para sa “The Eras Tour” ni Taylor Swift sa Singapore.

Napag-alaman na aabot sa P15 milyon ang naitakbo ng mga scammer mula sa mga Pinoy Swifties.

Sa Facebook post, pinag-iingat ng Phillippine Concerts ang mga fans sa mga nagkalat na scammer na nagbebenta ng tiket sa Taylor concert.

Sa comment section, lumutang si Sofia at sinabi na “I’m one of the 100 victims.”

“It was supposed to be on March 3 at the Singapore leg of the Eras Tour,” dagdag niya.

Hindi sinabi ni Sofia kung magkano ang nawala sa kanya, pero isa pang biktima ang nagkomento na biglang naglaho ang seller matapos itong magbayad ng P150,000 sa pamamagitan ng online cash transfer. Nakatakda ang The Eras Tour sa March 2, 3, 4 at 7, 8, 9 sa National Stadium, Singapore, ang nag-iisang Southeast Asian leg ng concert.