Vendor nagnakaw ng kambing para sa birthday, timbog

SWAK sa kulungan ang vendor na itinakbo ang isang kambing na ihahanda sana niya sa kanyang kaarawan.

Sinampahan ng reklamong theft ang suspek, 28, ng Iriga City, Camarines Sur.

Ayon sa ulat, naispatan ng caretaker ng pastulan sa Brgy. San Agustin ang kawatan na may bitbit na sako Sabado ng gabi.

Agad niyang hinabol ang suspek pero mabilis ito na nakatakbo. Gayunman, sa pagmamadali ay naiwan ang kambing at ang motorsiklo nito.

Makaraan ang ilang oras ay binalikan ng suspek ang motorsiklo pero dinakip siya ng mga pulis na naghihintay sa kanya.

Sa presinto, inamin ng suspek na tinangka niyang tangayin ang kambing para may handa siya sa kanyang birthday.