Pulis pumapel ng komadrona, nagpaanak

TUMULONG ang isang pulis sa pagpapaanak sa ginang na hindi na nakaabot ng ospital sa Barangay Cawayan, Davao City kamakailan.


Bago pa dumating ang tinawag na komadrona ay lumabas na ang ulo ng sanggol kaya tinulungan ni Lt. Rizalito Clapiz III ng Regional Public Safety Battalion Cluster 5 ang ginang para mailuwal ito.


Nasa maayos na kalagayan na ang ina at ang sanggol na babae ayon sa ulat.


Napag-alaman na dahil walang magamit na sasakyan ang barangay para dalhin sa ospital ang buntis ay nirespondehan ito ng grupo ni Clapiz.


Hindi pa man naipaparada ang sasakyan na maghahatid sa buntis ay dumungaw na ang sanggol.


Nang dumating ang midwife ay naisilang na ang bata kaya ito na lang ang nagtanggal ng inunan at pumutol ng pusod ng bata.