Parak masama ang loob sa ama, nagpaputok

SHOOT sa kulungan ang pulis na nagpaputok ng baril dahil umano sa sama ng loob sa Cauayan City, Isabela kamakalawa.

Dinakip si MSgt. Ambrocio Albano, 34, sa kanilang bahay sa Brgy. Labinab, makaraang ireklamo ng mga kapitbahay. Nakuha kay Albano, nakatalaga sa Luna police station, ang kanyang 9mm service firearm na ginamit sa insidente. Narekober din sa pinangyarihan ang siyam na basyo ng bala.

Ani Albano, masama lamang ang loob niya matapos ang away nila ng kanyang ama kaya niya nagawang magpaputok. Wala namang nasugatan dahil sa pangyayari.

Nahaharap sa kasong kriminal at administratibo ang suspek.