Magsasaka umawat sa away, todas sa crowbar

DEAD on the spot ang magsasaka na hinataw ng crowbar sa ulo at leeg ng kanyang pamangkin na nakikipag-away sa ina sa Santo Niño, Cagayan.

Kinilala ang biktima na si Herminio Tarampi, 73, ng Brgy. Masical.

Agad namang nasakote ng mga pulis ang suspek na si Ronald Cabaruan, 45, na hinihinalang isang drug user.

Ayon sa ulat, umuwing lasing si Cabaruan nitong Martes ng gabi. Nagwala ito nang walang madatnan na pagkain.

Tinangkang saktan ng suspek ang ina pero naawat ito ng mga kapamilya, kabilang si Tarampi.

Lalong nagalit ang suspek at kumuha ng bareta at paulit-ulit na hinataw ang tiyuhin.

Napag-alaman na noong 2018 ay inireklamo ng ina ang suspek matapos siyang ikulong nito sa kanilang bahay.

Ganti umano ito ng suspek sa matanda sa ginawa nitong pagsusuplong sa pulisya kaugnay sa kanyang pagdodroga.