Lolo namitas ng mangga, kalaboso

INARESTO ang 80-anyos na lolo mula sa Asingan, Pangasinan dahil sa pamimitas ng bunga ng puno ng mangga na kanya umanong itinanim.

Dinakip ang matanda nitong Enero 13 ng mga pulis na armado ng warrant of arrest na ipinalabas noong nakaraang Disyembre 20 ng 7th Municipal Circuit Trial Courts (MCTC) of Asingan-San Manuel.

Hindi naman naiulat kung ano ang nagtulak sa complainant na kasuhan ang matanda dahil sa pagpitas ng mangga.

Ayon sa matanda, nakiusap na siya noon sa may-ari ng lupa kung saan nakatayo ang puno na huwag nang ituloy ang kaso dahil maliit na bagay lang naman iyon, pero pilit umano na ipinababayad sa kanya ang mga prutas.

Aniya, wala pang 10 kilo ang mangga na nakuha niya sa puno na siya mismo ang nagtanim.
Samantala, nag-ambag ang mga pulis-Asingan para sa P6,000 piyansa ng matanda, pero hindi pa umano nalalagdaan ang release order dahil sa restrictions ng Alert Level 3 sa probinsya.