Hindi sinipot ng GF sa motel, kelot nagtangkang magkitil

NILASLAS ng isang padre de pamilya ang pulso makaraan hindi siputin ng kanyang girlfriend sa kanilang tagpuan na motel sa La Paz, Iloilo City nitong Martes, inulat ng pulisya.

Agad namang nadala sa pagamutan ang biktima, 38, at kasalukuyang nasa maayos na kondisyon.

Ayon sa mga imbestigador, nag-check in sa motel ang lalaki, isang empleyado sa punerarya, Martes ng umaga.

Makaraan ang ilang oras ay tumawag ito sa front desk na humihingi ng tulong.

Nang puntahan, tumambad sa mga empleyado ang duguang pulso ng biktima. Sa tabi niya ay isang basag na bote na ginamit niya sa tangkang pagpapakamatay.

Napag-alaman na hindi siya sinipot ng girlfriend dahil gusto na nitong makipaghiwalay sa kanya.

May asawa at dalawang anak ang lalaki, ayon sa pulisya.