2 aktibista nagprotesta vs SONA todas sa pulis

BINARIL at napatay ang dalawang miyembro ng human rights groups na gumawa ng anti-Duterte graffiti sa Guinobatan, Albay nitong Lunes.


Giit ng pulis, napatay sina Marlon Napire, 40, at Jaymar Palero, 22, nang manlaban sa mga aaresto sa kanila.


Ayon sa ulat, sinaway ng mga pulis ang dalawa na pinipintahan ng “DUTERTE IBAGSAK” ang Banao bridge sa Brgy. Lower Binogsacan ala-1 ng umaga.


Pero imbes na huminto ay pinaputukan umano nina Napire at Palero ang mga pulis.


Gumanti ng putok ang mga alagad ng batas at napuruhan ang dalawa na kapwa dead on the spot.


Nakuha umano sa mga aktibista ang isang kalibre. 45 at isang kalibre. 38 revolver. Kumpiskado rin ang motorsiklo na ginamit ng dalawa, dagdag ng pulisya.


Miyembro ng Organisasyon ng mga Magsasaka sa Albay si Palero habang kabilang sa Albay People’s Organization (APO) si Napire.


Kinondena naman ng Defend Bicol Stop The Attacks Network, alyansa ng mga human rights groups sa Bicol, ang pagpatay.


“The unarmed civilians are now being branded as ‘nanlaban’ by police forces, an old narrative of the police being used in tokhang operations,” ayon sa alyansa.


“Defend Bicol Stop The Attacks Network condemns, in the strongest term, this brazen attack on human rights. Dissent may take on many form, but to kill innocent unarmed civilians in the dead of the night for painting the people’s call is purely fascist and brutal,” dagdag nito.