Roque: Bakit ako magso-sorry kay Hidilyn?

WALANG dahilan para humingi ng paumanhin si presidential spokesperson Harry Roque kay Hidilyn Diaz sa pagkakadawit ng Olympic gold medalist sa tangkang pagpapatalsik kay Pangulong Duterte ilang taon na ang nakararaan.


“Wala po, as spokesperson, wala po akong kahit anong binintang kay Hidilyn Diaz,” ani Roque nang tanungin kung hihingi ba ng paumanhin ang Palasyo sa pagsangkot nito kay Diaz sa ouster plot laban kay Duterte.


“Hindi ko po alam ang sinasabi n’yong matrix. Sa tanggapan ko po ay iisa lang po ang opisyal na spokesperson ng gobyerno, ako lang po iyon, at wala po kaming ganyan,” paliwanag niya.


Ang tinutukoy na matrices ay ang iprinisinta ni chief presidential legal counsel Salvador Panelo, ang dating tagapagsalita ni Duterte bago si Roque.


Sa isa sa mga matrices ay tinukoy si Diaz na kabilang sa mga tao na gustong pabagsakin ang Pangulo.


Kinalaunan ay inamin ni Panelo na wala siyang ideya kung bakit nakasali ang pangalan ni Diaz sa listahan. –WC