13 pulis-Cebu nagnakaw, nag-torture na, nang-rape pa

HIMAS-rehas ang 11 pulis na inaresto matapos umano nilang nakawan at pahirapan, kasama ng dalawa pang kabaro, ang isang babae at gahasain ang isa pa sa Cebu City.


Maliban sa mga kasong kriminal ay nahaharap din sa kasong administratibo ang mga pulis na pawang nakatalaga sa Sawang Celero Police Station.


Pinaghahanap pa ang dalawa nilang kasamahan na nakapuslit sa serye ng mga pag-aresto.


Sinibak na sa puwesto ang mga suspek pati ang kanilang hepe.


Sa reklamo ng isa sa mga biktima, sinalakay ng grupo ang kanyang bahay noong Biyernes, ninakaw ang mga gamit saka siya kinaladkad sa presinto kung saan siya pinahirapan. Pinakawalan lamang siya noong Lunes.


Napag-alaman ng pulisya na bago ito ay may nabiktima ring isa pang babae ang grupo. Ninakawan nila ito ng mahigit P170,000 cash at mga alahas bago ni-rape ng isa sa kanila sa motel.