Kasal naka-set sa Miyerkules: Groom-to-be pisak sa trak, GF kritikal

NASAWI ang motorcycle rider habang malubha ang kanyang girlfriend makaraang salpukin ng dump truck ang sinasakyan nila sa Calinan, Davao City kahapon.


Ayon sa pulisya, nagulungan ng truck si Alberto Balano Jr, 38, at patay na nang idating sa ospital, habang kritikal si Melejie Hermoso dahil sa mga tinamong pinsala sa ulo at katawan.


Tinatahak ng magkasintahang sakay ng motorsiklo ang Davao-Bukidnon National Highway nang napahinto sila sa kanto ng


Datu Abing de Lara st. dahil sa dumadaan na sasakyan.


Hindi umano nakapreno agad ang kasunod nilang truck at sinalpok ang motorsiklo.


Ayon sa mga saksi, mabilis ang takbo ng truck kaya tumalsik sa kalsada ang dalawa. Napasuot naman ang katawan ni Balano sa ilalim ng sasakyan kaya nagulungan ito.


Nasakote ang driver ng truck na nahaharap sa patong-patong na kaso.


Napag-alaman na ikakasal sana ang magkasintahan sa Miyerkules.