Babae na nagdemanda ng rape, robbery sa 11 pulis sa Cebu, tinodas

BINARIL at napatay Lunes ng gabi sa Cebu City ang babae na nagsampa ng kasong robbery sa 11 pulis na nakatalaga sa Sawang Calero police station at rape sa isa sa mga ito noong isang buwan.

Kinilala ang biktima na si Ritchie Nepomuceno, 35, ng Minglanilla.

Nagtamo siya ng maraming tama ng bala sa katawan na nagresulta sa agaran niyang kamatayan.

Tinambangan ang biktima sa Natalio Bacalso Ave. pasado alas-6 ng gabi ng di-nakilalang salarin.

Napag-alaman na pinatay si Nepomuceno mahigit isang buwan mula nang sampahan niya ng kasong robbery, arbitrary detention, grave coercion at grave threats sina:

Chief MSgt. Eric Edgar Ernia;
SSgts. Joseph Alcoseba at Michael Rhey Cabizares;
at Cpls. Emmanuel Martinez, Rochelito Mabulay, Ejill Ferrolino, Carlo Irizari, Junel Pedroza, John Carl Aceron at Georny Abrasado.

Maliban sa mga nasabing kaso, inasunto rin ng dalawang counts ng rape ang team leader na si SSgt. Celso Colita na ginahasa umano ang biktima sa motel.

Matatandaang ni-raid ng mga suspek ang bahay ni Nepomuceno noong Marso 9 dahil nagtatago umano ito ng baril.

Nang walang makitang armas ay ibinulsa ng mga pulis ang mga alahas at mahahalagang gamit ng biktima.

Hindi pa nakuntento, pinuwersa rin si Nepomuceno ng mga pulis na mag-withdraw ng P170,000 sa ATM.

Pagkatapos noon ay ginahasa siya ni Colita sa motel bago ikinulong nang dalawang araw.