SINERTIPIKAHAN na ring urgent ni Pangulong Bongbong Marcos ang panukalang batas kaugnay ng pagbalik ng mandatory Reserve Officer Training Course (ROTC).
Sa kanyang sulat sa liderato ng Kamara, sinabi ni gMarcos na prayoridad na maipasa ang House Bill 6687 o National Citizens Service Training (NCST) Program.
Sa ilalim ng panukala, magiging parte na ng kurikulum ang NCST sa pampubliko at pribadong tertiary education.
Tinutulan naman ni ACT Teachers party-list Rep. France Castro ang panukala.
“Ito ay mayroon lamang katawagang NCST pero itinatago talaga dito ang mandatory ROTC dahil gusto talaga ng panukalang batas na ito na lahat ng mga estudyante na mga first year at second year college ay mag undergo ng military training. Hindi natin ito papayagan dahil alam natin na ang ating mga eskwelahan ay safe school at dapat walang mga military training sa ating mga eskwelahan,” sabi ni Castro.
Idinagdag ni Castro na mababawasan ang pondo para sa Universal Access to Free Tertiary Education dahil magkakaroon ng dagdag na gastusin ang Commission on Higher Education (CHED) at mga state colleges and universities (SUCs).
“Malaki rin ang magiging bayarin ng ating mga estudyante at parents dito sa private high educational institutions,” aniya.