Ople, Cordoba lusot na sa Commission on Appointments

KUMPIRMADO na ang appointments nina Migrant Workers Secretary Maria Susana “Toots” Ople at Commission on Audit (CoA) Chairman Gamaliel Cordoba matapos silang makalusot sa pambubusisi ng Commission on Appointments (CA).

Humarap sina Ople at Cordoba sa CA nitong Martes kung saan dininig ang kanilang mga kwalipikasyon para pamunuan ang kani-kanilang mga departamentong hinahawakan.

Samantala, pansamantalang sinuspinde ng CA ang deliberasyon ng interim appointment ni Raphael Lotilla bilang kalihim ng Department of Energy (DoE) dahil sa kakulangan sa oras.

Isa sa masusing tinitingnan ng CA ang isinumiteng opposition o pagharang sa appointment ni Lotilla ni dating DoE undersecretary Petronilo Ilagan, na ngayon ay pangulo ng consumer group na National Association of Electricity Consumers for Reforms.