Kiko: Hindi ako nagpapasimuno ng ‘Edsa 4’

TAHASANG itinanggi ni Sen. Kiko Pangilinan na siya ang utak sa pinaplano umanong malawakang protesta kontra sa proklamasyon ni presumptive president Bongbong Marcos.

Sa Facebook ay nakipagsagutan si Pangilinan sa isang netizen, isang Mark Lopez, na inakusahan siyang nagbabalak na magsagawa ng “Edsa 4′ kasama ang mga kaalyado.

“Dear KIKO, Ano daw ginagawa mo ngayon jan sa Forbes Park sa bahay ng isang beteranang artista, kasama ang ilang destabilizers Nagbabalak daw kayo ng EDSA 4? Ikaw pasimuno?” ani Lopez.

Itinanggi naman ito ng outgoing senator.

“Dear MARK, Hindi makatotohanang paratang. Ako’y nasa aming farm ngayon mula pa noong Huwebes. Tama na ang paninira ng kapwa. Kung may mga kausap man ako ay mga gulay at mga beteranong mga native na baboy dito sa ‘porks park’ sa farm. Salamat!” ani Pangilinan sa comment section ng post ni Lopez.

Pero hindi pa nakuntento ang Facebook user at iginiit na mag-live ang senador para pasinungalingan ang paratang.

“Salamat po sa sagot sa malinaw naman na tanong. Mas maganda po sana kung live nyo sinagot para naman mas ma appreciate namin yung pakikihalubilo nyo sa mga sinabi nyo na kausap nyo. And at the same time, mag bigay na rin po sana kayo ng malinaw na concession statement para mawala na yang mga “paratang” na sinasabi nyo. Salamat po muli,” hirit pa ni Lopez.

Habang isinusulat ang balitang ito, wala pang sagot si Pangilinan sa hiling ni Lopez.