Kapatid ni Percy Lapid kumbinsido sa sumukong assassin

KUMBINSIDO ang journalist na si Roy Mabasa na ang sumukong killer ang siya ngang bumaril at pumatay sa kanyang kapatid na broadcast commentator na si Percy Lapid.

Ayon kay Mabasa, nakumbinsi siya na si Joel Escorial (hindi Estorial na nauna nang inilabas ng PNP) nga ang bumaril sa pinaslang na kapatid matapos niyang makausap ito nitong Miyerkules. Gayunman, hindi anya kaya pa ng kanilang pamilya na mapatawad ito sa ginawang pamamaslang sa kapatid.

Kwento pa ni Mabasa na noong una ay may “reservation” siya sa suspek na iniharap ni Interior Secretary Benhur Abalos sa media dahil kakaiba ang kilos at hitsura nito kumpara sa inilabas mula sa CCTV camera.

“He gave us important information that confirmed to us how it was planned. It all corroborates with the police CCTV footage,” ayon kay Mabasa sa panayam ng CNN Philippines.  

“We were convinced that the information he gave us were accurate.”

Sumuko si Escorial nitong Lunes dahil anya natatakot siya para sa kanyang buhay lalo pa’t naglaan ang PNP ng P6.5 milyon reward para sa makakapagbigay ng impormasyon hinggil sa mga pumatay kay Lapid.

Pinaslang si Lapid noong Oktubre 5 sa Las Pinas City.