GMA ‘secret weapon’ ni Marcos sa APEC

TINAWAG ni Pangulong Bongbong Marcos si dating pangulo at ngayon ay Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo na kanyang secret weapon sa isinagawang Asia Pacific Economic Cooperation (APEC) Summit sa Bangkok, Thailand.

“Mayroon lang naidagdag na secret weapon na sumama sa atin, ang dating Pangulo — ang dating Pangulo si GMA,” sabi ni Marcos sa kanyang talumpati sa harap ng Filipino Community sa Thailand.

Idinagdag ni Marcos na nagsilbing tulay si Arroyo para siya makilala ng mga lider ng iba’t ibang bansa.

“Sinabi kong secret weapon dahil ako — ako ‘yung baguhan dito eh. Ako ‘yung unang hindi — ako ‘yung bagong naging lider. Kaya’t ‘pag papasok kami sa meeting, noong nakita si GMA, ‘Ah ito ‘yung my old frie- — my good friend! My good friend!’Oh madali na kaagad ‘yung usapan,” dagdag ni Marcos.

Nakabalik na kagabi sa Pilipinas si Marcos mula sa dalawang araw na APEC Summit.