Chito Miranda rumesbak sa netizens na kumuwestyon sa pagtulong sa bandmate na may cancer

NIRESBAKAN ni Chito Miranda ang ilang netizens na kinuwestiyon ang ginagawa niyang fundraising para sa Parokya ni Edgar bandmate na si Gab Chee Kee na nakikipaglaban sa cancer.

Isa sa mga sinopla ni Chito ang Facebook user na si @Shady Mustapha na sinabi na, “Kunwari tutulong ka tapos kailangan pang ebenta mga bagay na di naman mapapakinabangan pa. Tulong ba tawag dyan?”

Sagot ni Chito: “Ay hindi po ba tulong yung ginawa namin? Sorry po…akala ko po nakakatulong kami sa mga ginagawa namin…Sorry po kung hindi mo nagustuhan paraan ng pagtulong namin.”

Isa pang komento na hindi pinalagpas ni Chito ang sinabi ng isang @Leal Jose.

“Sayang naman 8M sana iwan nalang sa pamilya…sorry just my opinion kung ako nasa kalagayan nya tatanggihan ko na yung tulong nila ibigay nalang sa mas nangangailangan. I know you want to save life pero let it be sabi nga ng Beatles,” ayon dito.

“Ang sama nung dating na ‘sayang naman yung 8M as if hindi worth yung buhay ng kabanda namin…Wag ka manghinayang sa pera na pinaghirapan ng lahat ng tumulong kay Gab. Hindi po siya sayang…Kung para sa buhay mo sayang, para sa kabanda namin all worth it,” hirit ni Chito.

Ayon sa Parokya ni Edgar vocalist, nakalikom na sila ng P7 milyon para pambayad sa hospital bill ni Gab pero kulang pa ito ng P1 milyon.

“Lahat po ginagawa namin,” dagdag niya.