NASA 50 katao ang natiketan dahil sa pagdalo sa “meet and greet” ng vlogger na si Toni Fowler sa Cubao, Quezon City, Martes ng gabi.
Ayon kay Fowler, hindi niya inakala na dadagsain ng fans ang kanyang event dahil 50 lang ang nagparehistro sa kanyang imbitasyon.
“Nagpa-reserve po kami para sa 50 tao lang, maximum. Hindi po namin expected na dadami mga tao sa labas,” aniya.
Sa dami ng tao, napuno ang kanyang puwesto sa ikalawang palapag ng gusali sa Montreal st., Brgy. E. Rodriguez at umabot pa ang pila hanggang sa labas kaya hindi na nasunod ang health protocol.
Agad namang ipinatigil ng mga opisyal ng barangay ang event at sinabing kailangang managot ni Fowler.
Inamin naman niya na hindi sila nakipag-ugnayan sa mga otoridad hinggil sa pagdaraos ng event kaya natiketan sila at ang mga dumalo.
Dagdag ni Fowler, sasagutin niya ang multa ng lahat ng dumalo na umabot sa 50 katao.
Kung sakali rin na may magpositibo sa Covid-19 sa mga dumalo at nalaman na doon nakuha ang sakit, sinabi niyang pananagutan din niya ito.