Rebelde timbog sa buy-bust

SHOOT sa kulungan ang umano’y rebeldeng komunista na nadakip sa buy-bust operation sa Malolos, Bulacan noong Martes.


Ayon sa pulisya, nasakote si Dionisio Evangelista alyas Ka Diony, 68, ng Brgy. Anilao, makaraang magbenta umano ng shabu sa poseur-buyer cop sa kanyang bahay alas-4 ng hapon.


Nakuha sa kanya ang limang sachet ng shabu, pitong piraso ng bala, two-way radio at mga subersibong dokumento.


Ilang buwang minanmanan ang suspek bago nagsasagawa ng buy-bust operation, dagdag ng pulisya.


Inamin ng suspek na miyembro siya ng New People’s Army sa Bataan mula 2005 hanggang 2010, pero umuwi ng Bulacan makaraang magkasakit ng malaria.


Naniniwala naman ang pulisya na aktibong miyembro pa rin ng rebeldeng grupo ang matanda.