IKINALUNGKOT ng Malacanang ang balita na ang Pilipinas ang pangatlo sa bansa sa Asya ang madalas nabibiktima ng mga hate crimes sa Estados Unidos.
Ayon sa pinakahuling datos ng Stop Asian American Pacific Islander Hate, pangatlo ang ang mga Filipino sa mga lahi sa Asya na nagiging biktima ng hate crimes sa Amerika.
“Well, nakakalungkot po iyan at nakababahala. Unang-una, halos lahat tayo ay mayroong kamag-anak sa Amerika at ayaw nating maging biktima ang ating mga kababayan,” sabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque.
Idinagdag ni Roque na nais lamang ng mga Pinoy na matupad ang kanilang pangarap na mapabuti ang buhay kayat nakikipagsapalaran sa Estado Unidos.
Ayon kay Roque, umaasa na lang ang buong bansa at pamahalaan na matigil na ang hate crimes na ito laban sa mga Filipino at iba pang Asyano.