IPINAALALA ng Episcopal Commission on Public Affairs ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) kay Sen. Robin Padilla na ang kasal ay sa pagitan lamang sa babae at lalaki.
Sa isang panayam, iginiit ni Episcopal Commission on Public Affairs executive secretary Fr. Jerome Secillano na sagrado ang kasal dahil nakabase ito sa Bible.
Kamakailan ay naghain si Padilla ng panukala na nagtutulak sa civil union para sa mga miyembro ng LGBTQIA+ community.
“Karapatan naman (ni Sen. Robin Padilla) po ‘yun bilang isang mambabatas pero kami naman po sa Simbahan ay nananatili ang paninindigan na ang kasal talaga ay dapat unawain sa aspeto ng pag-iisang dibdib ng isang babae at lalaki,” giit ni Secillano.
Inamin ng opisyal na wala pang pormal na pahayag ang CBCP kaugnay na panukala ni Padilla.
Gayunman, naniniwala si Secillano na magkakaroon ng paglabag sa religious right kung ipipilit ng Estado ang same-sex marriage.