17-anyos na gamer nagpapatayo na ng dream home

MALAPIT nang matapos ni Edward Dapadap, 17, ang ipinapatayo niyang dream home mula sa kinita niya sa paglalaro ng online games.


Si Dapadap ay miyembro ng Blacklist International, isang grupo ng mga Pinoy online gamers na lumalaban sa local at international tournaments.


Noong nakaraang Disyembre, naiuwi ng Blacklist International ang kampeonato at premyong P15 milyon sa M3 World Championship, isang Mobile Legends world competition.


Bago ito, napagwagian din ng grupo ang Mobile Legends: Bang Bang Professional League Philippines (MPL PH) na may premyo na P4 milyon.


Sa post sa Facebook, isiniwalat ni Dapadap, residente ng Bataan, na malapit na niyang maabot ang kanyang pangarap.


“Nothing beats the happiness of seeing your dreams slowly coming true through your hard work,” aniya. “Katas ng ML at the age of 17. Almost there.”


Dagdag niya, inuuna niya ang pagtatayo ng kanyang dream home.


“Isa sa pangarap kong makapagpatayo ng dream house ko para sa family. Sulit ang lahat ng pagod at sakripisyo,” pahayag niya.


Kwento ni Dapadap nang manalo sila noong nakaraang December ay una niyang tinawagan ay ang mga magulang niya.


“Tinanong ko kung ano ‘yung magandang gawin pag nanalo kami doon. Sabi nga nila, bahay. Wish granted,” sabi niya.