NAGPASALAMAT si Pangulong Duterte kay Russian President Vladimir Putin sa 20 milyong Sputnik V vaccine na ipinangako sa Pilipinas.
Sa 30-minutong phone conversation ng dalawang state leaders, naniniwala ang mga ito na dapat paigtingin pa ang global production ng mga bakuna laban sa coronavirus disease.
Ayon kay Putin, hangarin ng Russia na makapag-deliver ng mas marami pang bakuna sa iba’t ibang bansa ngayon na patuloy pa rin ang pagdami ng kaso ng COVID-19.
“Both Presidents discussed the global and regional vaccine landscapes, noting that vaccines such as Russia’s Sputnik V must be mobilized to as many countries as possible,” ayon sa kalatas na ipinamahagi ng Palasyo.
Kinuha rin ng pangulo ang pagkakataon para mapasalamatan ang Russia dahil sa commitment nito na makapagpareserba ng 20 milyong doses ng Sputnik V mula sa Gamaleya Research Institute ng nasabing bansa.
Inaashaan na darating makukumpleto ang suplay ng Sputnik V sa Mayo hanggang Agosto. Ang initial batch na 20,000 doses ay posibleng dumating sa bansa ngayong linggo.
Ang Sputnik V ay nakapagtala ng 92 percent efficacy na inaprubahan ng Food and Drug Administration para sa emergency use ng mga indibidwal may edad 18 pataas.