MALIBAN sa buwanang sahod, makatatanggap pa ng P70,000 na insentibo ang mga doktor at nurse mula sa Cebu na nagboluntaryong magtrabaho sa NCR Plus kung saan bumubuhos sa dami ang mga tinatamaan ng Covid-19.
Sinabi ni Office of the Presidential Assistant for the Visayas (OPAV) Sec. Michael Dino na manggaling ang pondo sa kanyang tanggapan, sa Cebu provincial government at sa Cebu City government.
Napag-alaman na bibigyan ng OPAV ng P5,000 kada buwan o P15,000 para sa tatlong buwan ang mga volunteer.
Magbibigay din si Cebu Gov. Gwendolyn Garcia ng kaparehong halaga at karagdagang P10,000 pagbalik nila sa Cebu.
P10,000 kada buwan o P30,000 naman para sa tatlong buwan ang ipinangako ni Cebu City Mayor Edgardo Labella.
Noong Miyerkules ay dumating sa Metro Manila mula sa Cebu ang 11 doktor, 35 nurse at apat na medical technologist upang tulungan ang kanilang mga kabaro sa gitna nang patuloy na pagdami ng mga may Covid-19 sa mga ospital.
Itatalaga ang mga ito sa National Kidney Transplant Institute, Jose Reyes Memorial Medical Center, Lung Center of the Philippines, Rizal Medical Center, at Tondo Medical Center.