Bakunado pwede na sa Baguio


PAPAYAGAN nang makapasok sa Baguio City ang mga turistang fully-vaccinated kahit hindi na magpresinta ng negative Covid-19 test results.


Sa Facebook post, sinabi ng Baguio City government na maaaring magsilbi bilang alternatibo sa negative Covid-19 test results ang valid na vaccination cards o certificates.


Pero kailangan pang magparehistro sa Visita.Baguio.Gov.Ph, kumuha ng QR-coded tourist pass at sumailalim sa mandatory triage pagdating sa lungsod ang mga bakunadong turista.


Ayon sa siyudad, pinapayagan nilang makapasok ang kahit anong edad basta galing sa General Community Quarantine (GCQ) at Modified GCQ areas.


Gayunman, nilinaw ng lokal na pamahalaan na maikukunsidera lamang ang isang indibidwal na fully-vaccinated dalawang linggo matapos matanggap ang second dose ng bakuna. –A. Mae Rodriguez