2 Pinoy todas sa ‘Covid tsunami’ sa India

KABILANG ang dalawang Pilipino sa libo-libong namatay sa Covid-19 surge sa India.


Ayon kay Philippine Ambassador to India Ramon Bagatsing Jr., ang dalawang nasawi ay kasama sa 20 Pilipino na nagpositibo sa sakit kamakailan.


Hindi niya pinangalanan ang mga namatay, pero sinabi niya na manager ng mga kumpanya ang dalawa.


“Unfortunately, these last 48 hours, nakakuha kami ng balita na dalawa sa ating mga OFW, as I said these are managerial level people, they have passed away,” ani Bagatsing.


Idinagdag niya na masama ang kondisyon sa India.


“It’s really bad here. But aside from these unfortunate circumstance, more or less, karamihan naman sa kanila ay maayos at nagtutulungan naman ang mga Pilipino dito,” sabi ni Bagatsing.


Ayon sa opisyal, ginagawan na ng paraan ng pamahalaan para maiuwi sa Pilipinas ang katawan ng mga biktima.


Kahapon ay naiulat na mayroong 352,000 bagong kaso ng Covid-19 sa India at mahigit 2,800 na namatay.