Sandra Cam, anak ipinaaresto sa pagpatay sa vice mayor

NAG-ISYU ng warrant of arrest ang Manila Regional Trial Court laban kay Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) board member Sandra Cam, sa kanyang anak at sa limang iba pa kaugnay sa pagpatay kay Batuan, Masbate Vice Mayor Charlie Yuson III noong 2019.


Walang inirekomendang piyansa si Judge Dinnah Aguila-Topacio ng Manila RTC Branch 42 kina Cam, anak niyang si Marco Martin, dating Batuan Mayor Nelson Cambaya, at mga gunmen na sina Junel Gomez, Bradford Solis, Juanito De Luna, at Rigor Dela Cruz.


Bago ito ay pormal na sinampahan ng kasong murder ng Department of Justice ang pito base sa rekomendasyon ng National Bureau of Investigation.


Ayon sa rekord, nag-aalmusal si Yuson sa Sampaloc, Manila noong Oktubre 9, 2019 nang pagbabarilin ng mga armadong kalalakihan na sakay ng puting van.


Inakusahan ng asawa ni Yuson bilang utak sa pagpatay si Cam, na itinanggi naman ang krimen.