The age of anxiety

NAKI-MARITES ako sa ilang nanay kamakailan over a cup of coffee and some pastries. May baon akong Cadbury fruits and nuts to lighten the mood, sakaling mag-ala Nostradamus ang mayorya sa mga grim topic na pinag-uusapan. Pero karamihan sa kanila ay diabetic na, kaya walang kumagat sa aking panukso.

Yung isang kaibigan na dati ay feeling dugong bughaw, nag-iba na ng linya. “We are all walking around frightened, amiga,” bungad niya. Aniya, nag-iisip na ang kanilang pamilya na bumalik sa probinsiya, kung saan mura ang bilihin at puwede pa silang magtanim o mag-farm at lumanghap ng libre at mas sariwang hangin.

At nasentro ang usapan namin sa bagsak na halaga ng piso, sadsad na stock prices sa merkado, sa pumailanlang na unemployment, at ang pagiging praning at aburido ng karamihan dahil sa kasalukuyang sitwasyon ng mundo, at ng bansa sa partikular.

Ito ang landscape ngayon sa tinatawag na “Age of Anxiety”. Resulta ng malawakang pagdausdos ng ekonomiya sanhi ng maraming salik; man-made o force majeure (giyera, kriminalidad at Covid pandemic).

Ang balita na magiging mas malala pa ang implasyon sa susunod na mga buwan at ang pagtaas ng unemployment rate sa anim na porsiyento ngayong Mayo kung saan may 2.93 milyong nadagdag sa mga walang trabaho. Batay sa estadistikang ito na inilabas ng Philippine Statistics Authority (PSA) patunay na tinatahak na nga natin ang matinik na daan tungo sa naghihingalong ekonomiya.

Kaakibat ng pagkawala ng trabaho, maraming ahensiya ng gobyerno ang nagsabing hirap na sila sa koleksyon, gaya ng Social Security System (SSS) na dumaing kamakailan ng P84.5 bilyong hindi umano nakokolektang halaga mula sa pautang sa mga miyembro nito.

Paano nga makakabayad sa tamang oras kung wala nang pagkukunan ng pambayad? Hilong-hilong na ang ordinaryong mamamayan sa kung paano makaka-comply sa mga obligasyon at kung hanggang saan ang paghihigpit ng sinturon.

Tila isang masamang hangover ang mga nangyayari, na maging ang mga middle class na mayroong naisusubi dati ay unti-unti na ring paubos ang savings. Mas mataas na ang utang kaysa sa kinikita. Kahit mga credit-card companies ay nagsabing maraming cardholders sa ngayon ang halos maxed-out na ang credit limit.

Sa mga may trabaho pa na may kakilalang natanggal sa trabaho o nawalan ng kita, ang umuukilkil lagi sa isip ay, “Am I next? Madadali rin ba ako?”

May mga debate tungkol sa kung ang kasakuluyang pagbagal ng ekonomiya ay maaring ipalagay na “recession” o malawakan at malalang pagbulusok at matagal na pag-ahon ng ekonomiya.

Paano nga ba ang diskarte kung magtagal pa ang financial uncertainties na ito sa bawat tahanan?

Ang dating manager na si Laiza na kumikita ng nasa P80,000 kada buwan ay tuliro. Itong nakaraan buwan lamang ay nagsara nang tuluyan ang kanyang kompanya. Apat ang anak niya at ang asawa ay matagal nang nawalan ng kita sa kanilang maliit na food business na tuluyang nagtiklop na rin dahil sa mataas na renta at mahinang benta.

Nagsimula na raw siyang pumalya sa pagbabayad ng amortisasyon ng bahay at lupa. “Hindi na kami halos umaalis ng bahay o kumakain sa labas. Ang pinakamasaklap na parte ng nawalan ng regular na sahod ay ang makiusap sa mga billing agencies na bigyan ako ng mas mahabang panahon para magbayad. Nakakababa ng pagkatao,” saad niya.

Ang saleslady na si Annie ay may hinaing din. Aniya, hindi sapat ang minimum pa rin niyang kita at hindi “worth it” ang walo hanggang 10 oras na nakatayo at nag-aabang ng kustomer kapalit ng iniuuwi niyang suweldo kada kinsenas. Pero aniya, mas mainam na kaysa walang inaasahan na dadating na pera at tumulala sa bahay.

Still Working But Still Worried

Ang HR assistant na si Divine ay limang taon na sa kompanya at wala namang senyales na mawawalan ng trabaho. Subalit ang pakiramdam niya ay isa siyang “working wounded”—na bagamat may trabaho pa, hindi naman siya nilulubayan ng stress. Ang dahilan: mas dumami ang kanyang ginagawa ngayong nabawasan ang co-workers niya. “Hindi na raw kasi magha-hire ang kompanya para pamalit sa mga tinanggal. Nagtitipid na sa pasahod.”

Nawiwindang din siya sa implasyon. “Yung grocery ko kada buwan na P6,000 at tatlong karton, ganun pa din. Pero yung P6,000 ko, dalawang karton na lang. Parang di pansin na nagtaasan ang mga bilihin, makikita mo na lang na mas konti na ang naiuuwi sa dating katulad na halagang ginastos.”

Mahirap mabuhay na parang walang magandang inaasahan. Sisihin man ang gobyerno sa kanilang pagmamalabis sa pangungutang na nagresulta sa implasyon, at the end of the day, ang makakaramdam ng dagok ay ang ordinaryong mamamayan at hindi silang nasa pamahalaan.

Hindi nangangahulugan na magiging maluwag na tayo sa pagbabantay sa mga anti-poor policies na kanilang ipinapatupad, subalit ngayon higit kailanman, tanging lakas ng loob ang sandata natin upang suungin pa ang mga hamon ng panahon.


Para sa reaksyon o komento at tanong mag-email sa [email protected]