AKALA ko pag na-register na SIM card natin, wala na tayong matatanggap na scam message.
Akala ko lang pala ‘yun.
Ganun din ba ang akala mo?
Nagoyo lang ba tayo?
Patuloy pa rin sa pagpapadala ng mga mensahe ang mga scammer.
Noong nakaraang taon, mula buwan ng Nobyembre hanggang Disyembre, ilang text message ang natanggap ko mula sa Philpost na may dapat akong i-claim na balikbayan box.
Sabi sa mensahe, dapat i-click ko yung link para ma-access ko yung information.
Okay na sana kaso wala akong kilala na magpapadala sa akin ng balikbayan box.
Wala rin akong ini-expect na package mula sa ibang bansa dahil hindi ako marunong mag-online shopping.
Karaniwang mensahe ay kung gusto ko raw umutang. I-click ko lang daw yung link para sa mabilis na transaksyon.
May nagpapadala rin ng mensahe na “need money?” na ang intindi ko bibigyan ako ng pera. Patawa itong mga scammer na ito.
At kahit pa panay-panay ang paalala ng mga telecom company na huwag i-click ang link, may mga naloloko pa rin ang mga scammer.
Kahit pa i-block and delete ang number nung nagpadala ng message, mayroon ka pa ring matatanggap na message mula sa ibang number.
Ang napansin ko pa, yung mga cellular phone number ng senders ay mga postpaid number ng dalawang malaking telecom company.
Akala ko talaga titigil na sila sa pagpapadala ng scam messages. Sabi sa English, “looks like they are here to stay.”
At wala sila planong tumigil.
Mahigit isang taon na nang magsimula ang registration ng Subscriber Identity Module o SIM card. Marami nang reklamo ang naihain sa mga telecom company hinggil sa scam messages, pati na rin sa National Bureau of Investigation, at sa Philippine National Police.
Subalit wala pang significant arrests na nangyari.
Patuloy pa rin ang panloloko ng mga kawatan.
Matapos tayong takutin ng gobyerno, na kesyo dapat naka-register SIM card natin kundi ay hindi na ito magagamit, ay wala ring nabago.
Nabawasan man ang mga text scam, meron pa ring nakakalusot.
Wala talagang kahihinatnan ‘pag ang isang batas ay minadali.
Nabudol tayo.