‘Rewind’ itinanghal na ‘Highest Grossing Filipino Film of All Time’

IBINANDERA ng Star Cinema na ang “Rewind,” ang kanilang inilahok sa Metro Manila Film Festival 2023, ang itinuturing nang “Highest Grossing Filipino Film of All Time.”

Sa kalatas, inanunsyo ng Star Cinema na, “In Philippine domestic sales, #RewindMMFF IS NOW THE HIGHEST GROSSING FILIPINO FILM OF ALL TIME!”

Ayon sa film production arm ng ABS-CBN, pumalo na sa P845 million ang worldwide total gross ng pelikula ng mag-asawang Dingdong Dantes at Marian Rivera.

“As of 3PM today, the worldwide total gross of ‘Rewind’ is PHP 845 Million,” saad ng kalatas.

Nalagpasan na ng “Rewind” ang dalawa pang Star Cinema-produced movies na “The Hows of Us (700 million) at Hello, Love, Goodbye” (P690 million) na dating nangunguna sa listahan.

Maliban sa nasabing rekord, ang Dong-Yan drama na rin ang “Highest Grossing Metro Manila Film Festival Movie Of All Time.”

Nawasak nito ang dating rekord na naitala ng “The Revengers Squad” ni Vice Ganda na kumita ng P540 million noong 2017.

Dagdag ng Star Cinema, ang “Rewind” din ang highest-grossing Pinoy film mula nang magkaroon ng pandemya.

Ang nasabing rekord ay dating hawak ng “Maid In Malacañang” na kumita ng P440 million.