Mar Roxas susunod na DA secretary?

NOONG isang linggo ay naisulat ko sa dito sa Declassified na kabilang sa mga napipintong italaga sa Marcos administration ay si dating Sec. Mar Roxas.

Matunog na siya ang susunod na Trade secretary at ito ay maaaring maganap sa buwan ng Mayo o Hunyo.

Pero may isang bagong impormasyon ang inilutang ng aking spotter sa Malacanang.

Department of Agriculture daw ang destinasyon ni Roxas dahil wala pang kapalit doon si Pangulong Bongbong Marcos na siya ring kasalukuyang kalihim ng departamento bagamat may mga naitalaga siyang senior officials doon.

Pero hindi magiging madali ang ruta ni Roxas sa DA ayon sa aking spotter.

Ito ay dahil inaasinta rin ni dating Bohol governor Arthur Yap ang nasabing pwesto.

Si Yap ay hindi na bago sa agriculture department dahil siya ang dating DA secretary noong panahon ni dating pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.

Si GMA rin ang sinasabing padrino ni Yap ngayon para makabalik sa dating pwesto.

Hindi rin naman dapat maliitin ang tsansa ni Roxas sa DA dahil pinsan niya si First Lady Liza Araneta-Marcos.

Anuman ang mangyari abangan na lang natin ang susunod na kabanata.

Ang importante sa ngayon ay makapaglagay na ng tututok sa trabaho sa DA dahil sa dami ng problema sa nasabing kagawaran.