TULAD ng sinabi ko sa huling column, nakarmageddon na ang Duterte camp nang nagkaisa ang Kamara na bweltahan ang mag-ama nang maglabas sila ng Resolution 1414 na itinataguyod ang integrity at honor ng House.
Ito’y laban sa paninira ni Duterte na isa itong pinakabulok na institusyon, matapos bawiin ang Confidential and Intelligence Funds (CIS) ng Office of the Vice President at Department of Education (DepEd) na pinamumunuan ng anak na si Sara.
Tinanggal din nila ang Duterte ally na si Gloria Arroyo bilang deputy speaker.
Ngayon, sinundan ito ng isa pang malaking bigwas: laya na on bail ang bestie ni Digong na si dating Senadora Leila De Lima.
Alam naman natin ang katapangan ni De Lima.
August 2016, tatlong buwan matapos manalong senador, inakusahan si De Lima ni Duterte na kumukubra ng drug money sa Bilibid inmates para sa senatorial campaign sa tulong daw ng driver nitong si Ronnie Dayan.
Hudyat ito sa mga kaalyado ni Duterte na bugbugin ng batikos ang buhay personal at pulitika ni De Lima para gibain ang kanyang pagkatao sa mamamayan lalo na sa Duterte loyalists.
Pagdating ng November inimbestigahan at nagpatawag ng hearing ang Kamara ni Duterte.
Pero imbes mga akusasyon sa droga, ipinagpatuloy sa institusyon na kung tawagin ay Kamara, ang tsismisan sa personal na buhay ni De Lima.
At noong February 24, 2017, inaresto si De Lima.
As explainED by Ed lingao sa Frontline Pilipinas, tatlong kaso ang isinampa laban kay De Lima:
Isa rito ang violation sa Sec 5 ng Dangerous Drugs Act – sale, trading and distribution of illegal drugs.
Kasama sa kinasuhan si ex-Bureau of Correction head, Rafael Ragos, na ginawang state witness laban kay De Lima.
Pangalawang kaso ang paggamit diumano ni De Lima ng impluwensya para mag extort ng pera sa high-profile inmates.
Yan din ang ikinaso sa driver nyang si Dayan na ginawa ring state witness.
At pangatlo ang demanda laban kay De Lima at dating BuCor Chief Franklin Bucayo: pagkunsinti diumano sa bentahan ng droga sa loob ng Bilibid Prison at pamimilit sa mga preso na makalikom ng P70 million.
Pagkatapos ng apat na taon, Feb 17, 2021, pinawalang sala ng Muntinlupa court si De Lima sa pangalawang kaso dahil sa mahina ang ebidensyang may ugnayan sila ni Jun Dera at nagsabwatan sa bentahan ng ilegal na droga.
April 28, 2022, ni-retract o binawi ng confessed drug lord na si Kerwin Espinosa ang mga sinabi nya laban kay De Lima kahit hindi naman siya tumestigo.
April 30, nag-retract din si Ragos dahil pwinuwersa daw siya ni dating Justice Sec Vitaliano Aguirre na tumestigo.
May 13, 2022, pati ang driver ni De Lima na si Dayan, umatras na rin.
“Upon the dictate” daw ng Congressman Rey Umali na idamay si De Lima sa drug trade katuwiran ni Dayan.
Si Umali na namatay noong 2021 ang House Justice Committee chair ang nag-imbestiga kay De Lima noong Nov 2016.
At nitong May 2023, pinawalang sala ang 64-year-old na si De Lima sa unang kaso na dulot na rin ng retraction ni Ragos nung 2022.
Ganyan ang naging latag ng sobra-sobrang panggigipit ni Duterte kontra De Lima.
Bilang dagdag, hanggang nitong October 16, binawi rin ng dalawa pang state witnesses ang kanilang testimonya laban sa dating senador.
Pangungumpisal nina Maj. Rodolfo Magleo at Sgt. Nonilo Arile binabagabag daw sila ng kanilang konsensya ( “they are bothered by their conscience”).
At nito ngang November 13, matapos pagdusahin sa kulungan ng halos pitong taon, pinayagan ng korte magpyansa sa natitirang kaso si De Lima.
Kasama ring pinalaya ang kanyang co-accused na sina Bucayo, De Lima’s former security personnel Joenel Sanchez at Jad Dera, at naging driver na si Dayan.
Isang kaso na lang ang kailangan lampasan at ipanalo ni De Lima para tuluyan na siyang makalaya.
Kung babalikan at titingnan ang ang itinakbo ng mga kaso, mapapabilib ka sa pagiging planado nito.
Pinagulong yan ni dating Presidente Duterte na gustong maghiganti kay De Lima sa pamamagitan ng paninirang puri sa kanyang pagkatao, kasuhan at ipakulong.
Astute politician si Digong at dahil presidente siya ng 16 milyon na dinidiktahan ang galaw ng Gabinete, Kongreso at Judiciary, kayang-kaya nyang utusan na galawin ang sinumang kumukontra o may pagkakautang sa kanya maski walang basehan at labag sa batas. Ilan beses na ba siyang umamin at nagbanta sa mga kinabubwisitan niya.
May long and tested style na siya.
Alam nya ang kahinaan ng mga Pinoy na mababaw ang kaligayahan. Kahit naghihirap, nakukuha pang tumawa.
Pag bumubula ang bibig niya sa pagmumura sa national television, sinasabayan niya ito ng kabastusan at bugok jokes.
Ginagamit nya yan para pumasok sa kamalayan ng mga supporter niya ang mga pambuburaot nya sa kaaway tulad ni De Lima.
Ito’y hanggang nararamdaman na lang nila na pati sila ay nanggagalaiti na rin kay De Lima kahit hindi nagche-check ng facts at information kung totoo ang pinagsasabi ni Duterte.
Ganyan ang style nya sa ABS-CBN hanggang mag-shutdown ito nang hindi makatarungan, nawalan ng trabaho ang libo-libong manggagawa at nabawasan nang malaki ang naaabot ng makatotohanang balita ang taumbayan. (Angsts ko, pagbigyan na)Pag tumatawa kasi tayo o maganda ang vibes, down ang defenses natin at pag down ang defenses natin, mas smooth na pumapasok sa consciousness natin ang mga ideya na sinasabi sa atin.
Matapos dungisan ang kredibilidad ni De Lima sa mata ng mga loyalista niya, sinalo ito ng Kamara.
Dahil institusyon ang Kongreso, at mga mambabatas ni Duterte ang nagsasalita, nabigyan ng legitimacy ang pambababoy sa kanyang personahe, bumigat ang dating nito sa subconsciousness ng mga bulag na naniniwala sa kanya. Buong kaluluwa nilang tinanggap ang lahat ng tsismis, intriga, fake news at mga kasinungalingan.
Malinaw na orchestrated at kumpas ng “dyablo”.
Dahil sa social media, tumagos sa Duterte loyalists ang pagsira sa reputasyon ni De Lima gamit ang troll army at ilang media mouthpieces ni Duterte.
Dahil dito, madulas at swabe na nakakuha ng malawak na suporta ang Kamara laban kay De Lima.
Pero nang mawala sa pwesto si Duterte, humampas ang karma nang sunud-sunod na umatras ang mga state at iba pang witness laban kay De Lima dahilan para humina ang mga kaso.
Naging pahiwatig ito sa mga hukom para magdesisyon ng nararapat sa mga demanda na nawalan na ng saysay.
Saan ka nakakita, ikinulong ng halos pitong taon na wala namang conviction?
Although alam naman natin may ikinulong ng ilang dekada dahil na-convict kahit wala naman talagang kasalanan.
Kahapon Martes, Nov 14, ibinalita ng Frontline Pilipinas na bubweltahan ni De Lima ng mga kaso sina Digong at Aguirre.
Dapat idemanda rin ni De Lima ang iba pang back-up sulsol-gatong na sina dating presidential legal adviser Salvador Panelo, dating Duterte spokesman Harry Roque, dating PNP Chief Bato dela Rosa at iba pang mambabatas.
Pumapabor din kay De Lima ang political climate na humihina na ang political clout ni Duterte nang maraming myembro ng kanyang PDP-Laban ang nag-alisan hanggang nitong Martes.
Essentially, paghina ito ng kapangyarihan ng rival Duterte elite laban sa ruling Marcos clique na patuloy ang political consolidation.
Kailangan na lang ng Marcoses payagan ang International Criminal Court na imbestigahan ang patayan sa droga ni Duterte bilang finale para maselyahan na ang kamatayan ng political life ng mga Duterte.
Dahil sigurado, himas rehas sila Duterte sa ICC jail.