Eleksyong 2022: Bantay-litrato at Internet

MAHIGPIT nating bantayan ang darating na halalang pambansa at panlokal sa Mayo 9, 2022.

Kaakibat ng ating tungkuling lumahok sa halalan ang pagbabantay sa kredibilidad, integridad, at pagiging tapat, patas, at malinis ng halalan.

Susi rito ang pagiging hayag at lantad ng tunay na bilang ng mga boto at resulta ng eleksyon. Makikita ang mga ito sa opisyal na Election Returns at Certificates of Canvas.

Dokumentasyon

Kinakailangang magkaroon ng access at magtaglay ng karapatan ang mga mamamayan na idokumento sa pamamagitan ng camera at Internet ang tunay na bilang ng mga boto sa bawat presintong lokal sa buong kapuluan.

Sa lokal na presinto bumoboto ang mga Pilipino.

Kritikal na yugto ang pagbibilang ng balota sa bawat lokal na presinto.

Mula sa bawat lokal na presinto, pagsasama-samahin ang resulta ng mga boto.

Saka ita-transmit sa kinauukulang city o municipal canvassing board ang konsolidadong resulta ng mga boto mula sa mga presinto.

Transmission

Mula sa mga presintong lokal, ipinapasa – gamit ang automated election system (AES) – ang canvassing ng mga resulta ng eleksyon sa distrito, syudad, at munisipyo.

Mula rito, itina-transmit sa provincial canvassing board ang resulta ng canvassing.

Saka ipapasa sa national canvasssing board ang resulta ng mga boto mula sa mga lalawigan at highly urbanized cities.

Dito na magsasagawa ng canvassing, sa pambansang antas, ng resulta ng mga botong nagmula sa mga lalawigan, highly urbanized cities, at iba’t ibang bansa (overseas absentee voting).

Bantay-Litrato at Internet

Kailangang dokumentado nating mga Pilipino ang tunay na bilang ng resulta ng botohan sa bawat lokal na presinto sa buong bayan.

Magagawa natin ito sa pamamagitan ng pagbibigay-kapangyarihan sa ating kumuha ng litrato at pagpo-post ng Election Returns at Certificates of Canvas sa Internet.

Sa ganitong paraan, maipagbibigay-alam natin sa publiko – at mababantayan – ang tunay na resulta ng eleksyon magmula sa antas ng lokal na presinto.

Magiging transparent ang Election Returns at Certificates of Canvas sa ganitong paraan.

Una, sa pamamagitan ng pagkuha ng litrato; at ikalawa, sa pamamagitan ng kagyatang paglalabas at pagpo-post ng resulta ng eleksyon mula sa bawat presintong lokal sa Internet.

Nararapat i-post sa website ng Commission on Elections at website ng iba’t ibang electoral watchdogs ang Election Returns at Certificates of Canvas mula sa lahat ng presintong lokal.

Hindi ito basta-bastang mapapalitan.

Beripikasyon

Sa pamamagitan ng pagkukumpara ng resulta ng botohan sa pagitan ng presintong lokal at national canvassing board, masusuri, mabeberipika, at mabubuko natin ang anumang pandaraya kung may dumoktor man sa Election Returns at Certificates of Canvas.

Kabilang ito sa mga hakbang na nararapat bigyang-daan at bigyang-katuparan ng COMELEC upang masigurong patas at malinis ang darating na halalang pampanguluhan, pambansa, at panlokal sa 2022.

Kailangan tayong maging Bantay-Litrato at Internet sa eleksyon.


Para sa reaksyon o komento at tanong mag-email sa [email protected]