ANO ang magiging kinabukasan ng libu-libong batang kababaihan na maagang naging ina?
Paano naman ang mga batang lalaki na sa murang edad ay isa ng tatay na wala pang alam paano bumuhay ng isang pamilya?
Ayon sa resulta ng 2022 survey ng Philippine Statistics Authority (PSA), bahagyang tumaas ang bilang ng mga babaeng nanganak na may edad 15 pababa.
Base sa datos, may 3,135 na naitalang nanganak noong 2022, kumpara sa 2,320 noong 2021. Lahat sila ay mga batang ina.
Nakababahala ito dahil maaaring magdulot ng problema sa kalusugan para sa batang ina at sa bagong silang na anak. Hindi biro ang mabuntis, lalo na kung ang nagdadalang-tao ay isang bata.
Itinuturing na delikado ang kalagayan ng batang-ina at ng nasa sinapupunan nito. May high risk ng maternal mortality at komplikasyon sa kalusugan dahil hindi pa fully developed ang katawan ng isang teenager.
Karaniwang naitatala ang teenage pregnancy o adolescent pregnancy sa low income families.
Kahirapan ang itinuturong dahilan.
Hangga’t hindi nareresolba ang problema ng kahirapan, paulit-ulit, paikot-ikot lang ang problema ng teenage pregnancy. Isang vicious cycle, wika nga sa Ingles.
Ang nangyayari kasi, pag nabuntis ang isang kabataan, tumitigil ito sa pag-aaral. At kapag nakapanganak na, madalas ay hindi na nakakabalik sa pag-aaral ang batang ina dahil kailangan nitong alagaan ang bagong silang na anak.
Ang batang ama naman ay matitigil din sa pag-aaral para maghanap ng trabaho upang may pantustos sa pangangailangan ng mag-ina niya.
Dalawang buhay ang nasayang ang kinabukasan.
May mga programa ang gobyerno, kasama ang mga lokal na pamahalaan at mga non-government organization, para mabigyan ng kamalayan ang mga kabataan hinggil sa pros and cons ng teenage pregnancy.
Pero hindi ito sapat.
Dahil sa totoo lang, ang kamalayan ng isang bata ay dapat sa tahanan nagmumula. Mula sa mga magulang. Ngunit kung ang mga magulang ay produkto rin ng maagang pagbubuntis at hindi rin nakatapos ng pag-aaral, anong gabay ang maibibigay nila sa kanilang mga anak?
Paano nga ba maayos ang problema ng teenage pregnancy? Mahabang biyahe pa ito. Mahabang laban pa ito.
Hangga’t may mga pamilyang nagugutom, hangga’t may mga pamilyang hirap na hirap sa buhay, at hangga’t may mga mapupusok na kabataan, patuloy na tataas ang bilang ng teenage mothers.