Pulis na pumatay sa autistic sa V’zuela tutuluyan

SINIGURO ni Philippine National Police (PNP) chief Gen. Guillermo Eleazar na walang magaganap na cover-up sa imbestigasyon sa pagpatay ng mga pulis sa teenager na may special needs sa Valenzuela kamakailan.


Ani Eleazar, nakausap na niya ang mga magulang ni Edwin Arnigo, na binaril at napatay ng mga pulis-Valenzuela na nagsasagawa ng raid sa tupada noong Linggo.


“I have talked with the parents of the victim and told them of our commitment to investigate this case,” ani Eleazar.


“Walang white wash dito, no cover-up. Kung sino ang may kasalanan may mananagot and that was the assurance that I have given to the parents of the victim,” dagdag niya.


Sinabi ng opisyal na makikipagtulungan ang PNP sa National Bureau of Investigation na siyang nangunguna sa pagbususi sa kaso.


“Ang gusto nating mangyari, we want to get rid of these scalawags in our uniform…’di tayo mangingimi na magtanggal sa mga ‘yan kung talagang may base ‘yan,” ayon pa kay Eleazar.