Motorsiklo sumemplang, buntis todas

NASAWI ang buntis nang sumemplang ang sinasakyan niyang motorsiklo kamakailan sa Pasuquin, Ilocos Norte.


Ayon sa pulisya, nakaangkas ang babae sa motorsiklo na minamaneho ng kanyang asawa nang sumalpok sila sa gulong na nakahambalang sa kalsada sa Brgy. Carusipan, Linggo ng gabi.


Sa lakas ng impact ay tumilapon ang dalawa sa kalye. Wala umanong suot na helmet ang mga biktima, sabi ng pulisya.


Nagtamo ng sugat sa katawan ang lalaki habang sa ulo ang pinsala ng babae.


Ilang oras na-comatose ang babae bago namatay. Siya ay tatlong-buwang buntis.


Agad namang nadakip ang lalaking naglagay ng gulong sa gitna ng kalsada.


Sinabi sa ulat na nagwala ang suspek dahil nawalan siya ng pera saka ibinalandra ang gulong.